Monday, August 21, 2017

Perpekto

O ‘Pre balita ko nakipag-break sa yo si Perpekto. Lekat naman buhay 'to. Ilang beses ka na bang sinaktan nyang impaktong yan? Ano ba talaga nahihita mo kay Pekto? Oo alam ko kapag kinindatan ka niya wala na, hypnotized ka na at feeling mo lahat ng problema mo wala na.

Pero di ba paulit ulit lang siyang nakikipag-break sa yo? Nung una - hindi ka nga niya pinapansin kasi sabi niya ang pangit ng ilong mo. So nagpatangos ka. Sinagot ka niya — ang saya saya mo.

Wala pang isang linggo — nakipag-break siya sa yo. Kasi napansin daw niya - payatot ko. Niyaya mo akong mag-gym. Hayun - nagpaka-borta ka. Sinagot ka na naman niya - pero this time — naging kayo - isang araw lang. Dahilan naman niya - dukha ka.

Nagpayaman ka nang todo-todo. Bumalik siya sa yo. Medyo matagal naging kayo - kasi parang napasaya mo na siya sa salapi mo.

Tapos ngayon — bakit kayo nag-break? 

Haay - ‘pre wag mo na kong yayain maglasing ha. Di naman nawawala problema natin pag naglalasing tayo. Pag gising mo gusto mo pa rin si Perpektong masungit. Hahabulin mong maging perpekto ka rin para sa kanya. Di mo pa na-gets? Para kay pekto - walang bagay sa kanya kundi siya. Kaya nga masungit - kasi laging nag-iisa.

Pero - bakit ba hindi ka tumingin tingin sa paligid mo.

Mayroon namang iba dito. Masaya, nagpapasalamat na kasama ka - mapagbigay.

Bago pa naging matangos ang ilong mo, kahit nung kasing payat ka ng tingting — at kahit na fish balls lang ang meryenda natin kasi wala kang pera — mahal ka na niya.

Mahal na kita. Kahit ano ka pa — alam ko mas bagay tayo. Sana ako na lang — si Generoso - kaya nga yan ang pangalan ko eh — nagbibigay ako — kahit ano - lalo na ang pagmamahal. Pramis - pag naging tayo —— matutuklasan mo kung ano ang saya na galing sa pagmamahal - kahit hindi ka Perpekto.

No comments:

Post a Comment